Apat na dayuhang drug network Pilipinas, aktibo ayon sa House panel. Basahin ang imbestigasyon sa P3.4B shabu mula Laos at mga sangkot na international syndicate.

Apat pang ibang foreign-drug trafficking groups ang sangkot umano sa illegal drug trade sa bansa, batay sa impormasyong lumabas matapos ang briefing ng House Committee on Dangerous Drugs.

Batay sa impormasyon sa ikinasang pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos, kaugnay ng tangkang pagpapasok sa Pilipinas mula Laos ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon gamit ang isang pribadong jet.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng pulisya na nakausap ni Santos matapos ang briefing sa Kongreso, kabilang sa mga dayuhang grupong iniuugnay umano sa ilegal na kalakalan ng droga sa bansa ang mga grupong Chinese at Chinese-Filipino, West African drug-trafficking networks at ang Mexican criminal organizations kabilang ang Sinaloa Cartel, bukod pa ito sa Sam Gor transnational drug syndicate.

--Ads--

Sa impormasyon na nakuha ni Rep. Santos, kabilang sa mga grupong dating iniugnay ng mga awtoridad sa transnational drug trafficking ay ang United Bamboo Gang, 14K Triad at Dragon Wu International Drug Syndicate.

Samantala, iniulat naman ni PDEA Director General Isagani Nerez na may alyansa ang Sam Gor sa limang triad groups, kabilang ang 14K Triad, Bamboo Union, Big Circle Gang, Sun Yee On at Wo Shing Wo.

Tinatayang 40 hanggang 70 porsiyento umano ng methamphetamine market sa rehiyon ang kontrolado ng Sam Gor, na sinasabing kumikita ng mahigit US$17 bilyon kada taon.

Ayon kay Santos, kailangang siyasatin ang posibleng ugnayan ng mga dayuhang sindikato sa Pilipinas, kabilang ang kanilang pinansiyal na suporta at mga paraang ginagamit sa pagpuslit ng ilegal na droga.

Patuloy namang iniimbestigahan ng komite ang tangkang pagpapasok ng shabu mula Laos upang matukoy ang mga posibleng sangkot at matukoy kung kinakailangan ang mga bagong hakbang sa batas laban sa transnational drug trafficking.