Ipinaliwanag ni Atty. Joey Tamayo, legal expert, na may mga legal na kundisyong kailangang matugunan kapag humihingi ng right of way o karapatang dumaan sa pribadong lupa, partikular kung ang isang ari-arian ay landlocked o walang sapat na direktang daanan palabas sa pampublikong kalsada.

Ayon kay Atty. Tamayo, kailangang magbayad ng kaukulang indemnity o kompensasyon ang may-ari ng lupang humihingi ng right of way sa may-ari ng lupang dadaanan. Dapat ding piliin ang rutang magdudulot ng pinakamaliit na pinsala o abala sa lupang pagtatayuan ng daanan, alinsunod sa mga kondisyong itinatakda ng batas.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagdaan sa Katarungang Pambarangay kung saklaw ng proseso ang kanilang alitan. Karaniwan ding kinakailangang personal na humarap ang mga partidong sangkot, bagama’t maaari umanong gumamit ng mga online video conferencing platform sa ilang pagkakataon, alinsunod sa naaangkop na mga patakaran.

--Ads--

Kung nasa ibang bansa naman ang isa sa mga partidong sangkot, maaari umanong magtalaga ng kinatawan sa pamamagitan ng Special Power of Attorney o SPA, na nagbibigay ng awtoridad sa isang tao na kumilos para sa may-ari ng lupa. Binanggit din ni Tamayo ang posibilidad ng paghingi ng agarang remedyo sa hukuman kung may mga pangyayaring nangangailangan ng agarang legal na aksiyon.

Ilan sa mga dokumentong kailangang ihanda ng humihingi ng right of way ay ang patunay ng pagmamay-ari ng lupang walang sapat na daanan, survey plan na ginawa ng isang lisensiyadong geodetic engineer upang matukoy ang posibleng ruta, mga tax declaration ng mga lupang sangkot, at nakasulat na kahilingan sa may-ari ng lupang dadaanan.

Pinaalalahanan ni Tamayo ang publiko na mahalagang mapanatili ang maayos na ugnayan ng mga magkakapitbahay at lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan sa mapayapa at legal na paraan.