Patuloy ang pag-ulan at malalakas na hanging pabugso-bugso sa Taiwan dahil sa Bagyong Champi, na nagdulot ng pagbaha sa hilagang bahagi ng bansa, pagkansela ng klase at trabaho, at malawakang pagkawala ng kuryente.

Ayon kay Jason Baculinao, Bombo International News Correspondent (BINC) sa Taiwan, nagsimula ang tuloy-tuloy na pag-ulan noong Huwebes ng gabi. Bagama’t wala pang naiuulat na nasawi, mayroon nang mga ulat ng mga nasugatan dahil sa epekto ng bagyo.

Inilarawan ni Baculinao ang Champi bilang isa sa pinakamalalakas na bagyong naranasan sa Taiwan. Aniya, nasa Category 8 ang bagyo sa sistemang ginagamit sa kanilang bansa, kung saan Category 1 hanggang 10 ang klasipikasyon. Bagama’t hindi umano kalakihan ang bagyo, malakas ang ulan at hanging dala nito.

--Ads--

Nagsagawa na rin ng mga hakbang sa paglikas sa ilang lugar sa hilagang Taiwan dahil sa pagbaha. Wala namang naiulat na malaking pinsala sa mga tulay at imprastraktura, subalit maraming linya ng kuryente ang naputol o bumagsak, na nagdulot ng malawakang pagkawala ng kuryente sa ilang lugar.

Inaasahan namang hihina at titigil ang pag-ulan sa mga susunod na oras at araw. Samantala, may mga lugar sa gitnang Taiwan na nakararanas ng kakulangan sa tubig, ngunit ayon kay Baculinao, hindi ito maituturing na epekto ng El Niño. Wala rin umanong partikular na abiso o paghahandang isinasagawa sa Taiwan kaugnay nito.

Tiniyak naman ni Baculinao sa mga Pilipinong may kaanak sa Taiwan na, batay sa impormasyong ibinahagi niya, wala pang naiuulat na nasawi dahil sa bagyo.