Nagpahayag ng pag kondena ang Bantay Bigas hinggil sa usapin sa mataas na importasyon ng bigas kasabay ng desisyon ng Department of Justice (DOJ) sa pagpapawalang bisa sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) para sa mga magsasaka.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, nakikitang mas tumaas pa ang pagpasok ng mga bigas mula sa labas ng bansa nitong mga nakaraang buwan ng Enero hanggang Setyembre kumpara sa naitalang importasyon noong 2025.
Kaugnay nito, hinimok ni Estavillo ang pamahalaan na sa halip na umasa sa importasyon ay mas makatutulong ang pagbili sa mga palay ng mga lokal na magsasaka bilang dagdag suporta sa patuloy na nagkukulang na support production subsidy at compensation sa mga magsasaka sa bansa.
Nabanggit din na ang isyu hinggil sa usapin sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay kaugnay sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka nang walang kasabay na suportang serbisyo ay nag resulta sa pagkakasanla ng mga magsasaka sa mga lupaing naipamahagi sa kanila hanggang sa tuluyang maibalik ang mga ito sa mga landlords.
Iginiit din ni Estavillo na hindi umano solusyon ang mga renewable energy projects sa pagtugon sa krisis ng enerhiya sa bansa dahil mas nakikinabang umano ang mga negosyanteng ang pangunahing interes ay ang kita habang nagiging sakripisyo rito ang mga lupaing agrikultural na para sa mga maliliit na magsasaka.
Samantala, nanawagan naman ang Spokesperson sa dapat na pagbibitiw ni Department of Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. sa pwesto dahil umano sa hindi matagumpay na pagsasaayos sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Dagdag pa ni Estavillo, hindi rin epektibo ang pamamahala ni Laurel sa nananatiling mataas na monopolyo ng bigas sa pamilihan at mas nakikinabang ang mga traders at importers kumpara sa mga magsasakang nananatiling nababarat ang kita dahil sa mataas na criteria sa pagbebenta ng palay sa National Food Authority (NFA).
Bukod dito, idiniin din ni Estavillo na dapat ding kondenahin ng mga mamamayang Pilipino ang maling paglalaan sa badyet ng mga farm to market road na napupunta sa ibang mga proyektong pagkaragatan.








