
Sinuportahan ni Lito Senieto, vice president ng National Parent-Teachers Association (NPTA), ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) na makatutulong sa mga mag-aaral at guro sa harap ng inaasahang epekto ng Super El Niño, kabilang ang posibilidad ng mas madalas na suspensiyon ng klase dahil sa matinding init ng panahon.
Ayon kay Senieto, makabubuti ang mungkahing payagan ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan na magsuot ng komportableng damit bilang alternatibo sa opisyal na uniporme upang maibsan ang epekto ng init sa loob ng mga silid-aralan. Gayunman, iginiit niyang kailangan munang masusing pag-aralan ang posibleng epekto nito sa seguridad at disiplina sa paaralan.
Kabilang sa mga ikinababahala niya ang posibilidad na mas madaling makapasok ang mga hindi awtorisadong indibidwal sa paaralan, gayundin ang posibleng pang-aasar o bullying sa mga mag-aaral dahil sa pagkakaiba-iba ng kanilang kasuotan.
Bilang alternatibo, iminungkahi ni Senieto ang paggamit ng simpleng round-neck T-shirt bilang kasuotan ng mga mag-aaral sa halip na malayang pagsusuot ng civilian clothes. Aniya, maaari itong maging praktikal na hakbang upang mapanatili ang pagiging komportable ng mga bata nang hindi isinasantabi ang seguridad at kaayusan sa paaralan.
Dagdag pa niya, kung lalagyan naman ng logo ng paaralan ang mga T-shirt, dapat ding isaalang-alang ang karagdagang gastos na maaaring pasanin ng mga magulang.
Binigyang-diin ni Senieto na sinusuportahan nila ang anumang hakbang ng DepEd na makabubuti sa kapakanan ng mga mag-aaral at guro, ngunit mahalagang timbangin ang mga posibleng benepisyo at panganib bago ipatupad ang anumang pagbabago sa mga patakaran sa paaralan.








