Kinuwestiyon ng Legal Expert ang unprogrammed appropriations sa pambansang badyet.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, nakaka-pangamba na maaari itong maging panibagong anyo ng pork barrel kung hindi magiging malinaw ang paggamit at paglalaan ng pondo.
Gayunman, nilinaw ni Cera na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations.
Ngunit idineklarang unconstitutional ang ilang probisyon at pagdaragdag sa pambansang badyet na lumabag sa mga limitasyon sa kapangyarihan ng Kongreso at sa mga kinakailangang safeguard sa paggamit ng pondo.
Dito na tinukoy ni Cera ang naging pagdaragdag ng ₱449.5 bilyon sa unprogrammed appropriations ng 2024 national budget, gayundin ang ₱17.99 bilyong idinagdag sa Special Road Fund sa 2025 budget.
Dagdag pa rito ang iniutos ng Korte na pagbabalik sa PhilHealth ng ₱60 bilyong nailipat sa National Treasury at permanenteng ipinagbawal ang paglilipat ng natitirang ₱29.9 bilyon sa ilalim ng pinawalang-bisang probisyon.
Dahil dito, ipinahayag din niya ang pangamba sa pagbabawas ng pondo para sa mga pampublikong unibersidad at sektor ng kalusugan, habang inililipat umano ang mas malaking alokasyon sa mga programang ayuda at guarantee letter.
Giit ni Cera, mahalagang matiyak ang transparency at pananagutan sa paggamit ng national budget upang maiwasan ang pangamba ng publiko na hindi sa mga pangunahing serbisyo mapupunta ang pondong nagmumula sa buwis.










