Umabot sa dalawang daan at dalawampung mag-aaral mula Grades Four, Five, at Six ang dumalo sa Mental Health Awareness Lecture na isinagawa ng Rural Health Unit sa Wawa Elementary School.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng Mental Health Awareness Month na naglalayong bigyan ang mga kabataan ng mas malinaw na kaalaman tungkol sa kanilang emosyon at kalusugang pangkaisipan.
Tinalakay sa aktibidad ang mga paraan kung paano mas maayos na haharapin at mapapamahalaan ng mga bata ang kanilang nararamdaman, pati na rin ang kahalagahan ng pangangalaga sa sarili at pagkakaroon ng magandang pakikitungo sa kapwa.
Binigyang-diin din sa mga mag-aaral na mahalagang magkaroon ng lakas ng loob na magsabi at humingi ng tulong kapag nahihirapan o may problemang hindi kayang harapin nang mag-isa.
Mahalaga rin ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na kapaligiran sa paaralan kung saan malayang nakapagsasabi ng kanilang nararamdaman ang mga bata at alam nilang may mga taong handang makinig at tumulong.
Sa pamamagitan ng ganitong mga aktibidad, layon ng Rural Health Unit na mas mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa kanilang mental health at mahikayat silang pahalagahan hindi lamang ang kanilang pisikal na kalusugan kundi pati ang kanilang emosyon at pag-iisip.










