‎Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Barangay Poblacion Oeste sa mga sementeryong nasasakupan nito upang matiyak ang kaayusan, kalinisan, at kaligtasan ng mga bibisita.
‎
‎Ayon kay Punong Barangay Macmac Gutierrez, una na nilang binalaan ang mga vendor na sumunod sa mga itinakdang puwesto. Mahigpit ding ipagbabawal ang pagbebenta sa loob ng sementeryo upang mapanatili ang kaayusan sa lugar.
‎
‎Binigyang-diin din ng punong barangay na hindi papayagan ang muling pagbebenta ng mga produktong kinuha mula sa mga puntod o naiwan na sa sementeryo. Ang mga vendor na mapatutunayang lalabag sa nasabing panuntunan ay hindi na pahihintulutang magbenta.
‎
‎Samantala, humihiling din ang barangay ng karagdagang ilaw sa sementeryo dahil may mga taong nananatili roon kahit gabi na. Layunin nitong mapabuti ang visibility at makatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan ng mga mamamayan.
‎
‎Pagdating naman sa daloy ng trapiko, nakatakdang ipatupad ang one-way traffic scheme upang maiwasan ang pagsisikip ng mga sasakyan at mapadali ang paggalaw ng mga motorista at pedestrian.
‎
‎Sa kabuuan, patuloy ang paghahanda at koordinasyon ng Barangay Poblacion Oeste upang matiyak ang maayos, ligtas, at organisadong pagbisita ng publiko sa mga sementeryo.
‎
‎