Nilinaw ng National Authority for Child Care (NACC) na limitado sa edad, kasarian, at kalagayang pangkalusugan ng bata ang maaaring maging preference ng mga prospective adoptive parents sa proseso ng pag-aampon.

Ayon kay Bb. Cristina B. Lagunilla, Social Welfare Officer ng NACC-Regional Alternative Child Care Office (RACCO) I, isang karaniwang maling paniniwala na malayang nakapipili ng batang kanilang aamponin ang mga nagnanais mag-ampon. Gayunman, may sinusunod na proseso upang matiyak na ang bawat bata ay maitugma sa pamilyang makapagbibigay ng angkop na pangangalaga at pagmamahal.

Binigyang-diin na ang pag-aampon ay hindi lamang nakabatay sa kagustuhan ng mga aplikante, kundi higit sa lahat sa pinakamabuting kapakanan ng bata, kabilang ang pagtiyak na matutugunan ang kaniyang mga pangangailangan at mabibigyan siya ng ligtas at permanenteng tahanan.

--Ads--

Samantala, ipinaliwanag ni Atty. Dexter P. Miranda, Legal Officer ng NACC, na ang pag-aampon ay isang usaping panlipunan na naglalayong mabigyan ng mapagmahal na pamilya ang mga batang abandoned, orphaned, neglected, surrendered, dependent, foundling, abused, at iba pang nangangailangan ng pangangalaga.

Ang NACC, na bahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang nangangasiwa sa domestic adoption at alternative child care sa ilalim ng Republic Act No. 11642 o Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, na naglalayong gawing mas mabilis at episyente ang proseso ng legal na pag-aampon.

Ayon kay Miranda, mas marami na sa bagong henerasyon ng mga magulang ang bukas sa ideya ng pag-aampon. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga batang hindi naaalagaan ng kanilang biological parents na lumaki sa isang pamilyang magbibigay sa kanila ng aruga, pagmamahal, at suporta.

Sa legal na pag-aampon, naililipat sa mga adoptive parents ang parental authority at kinikilala ang bata bilang kanilang lehitimong anak, kalakip ang mga karapatan at benepisyong itinatadhana ng batas, kabilang ang karapatan sa mana.

Nagbabala rin si Miranda laban sa impormal na pagpapaampon o independent placement na hindi dumadaan sa itinakdang legal na proseso. Aniya, maaari itong magdulot ng mga suliranin sa legal na katayuan ng bata, pag-angkin sa mga benepisyo, karapatan sa mana, at pagkakakilanlan. Dahil dito, hinihikayat niya ang publiko na sundin ang tamang proseso upang mapangalagaan ang karapatan at kinabukasan ng mga batang inaampon.

Ipinaliwanag naman ni Lagunilla ang iba’t ibang uri ng legal adoption, kabilang ang Relative Adoption para sa mga kamag-anak, Step-Parent Adoption para sa anak ng asawa, at Adult Adoption para sa mga nasa hustong gulang na itinuring nang anak noong menor de edad pa. Mayroon ding pag-aampon sa sariling anak na ipinanganak sa labas ng kasal, alinsunod sa mga naaangkop na probisyon ng batas.

Sa proseso ng pag-aampon, maaaring maghain ng petisyon ang mga kwalipikadong kamag-anak na pasok sa itinakdang antas ng relasyon. Samantala, sa regular adoption, kailangang dumaan muna ang bata sa deklarasyon bilang legally available for adoption, kasunod ang matching process at iba pang kinakailangang hakbang bago maaprubahan ang pag-aampon.

Ayon pa kay Miranda, maaaring umabot sa humigit-kumulang siyam na buwan ang proseso kung kumpleto ang mga kinakailangang dokumento at natutugunan ang mga itinakdang requirement.

Kabilang sa mga dokumentong maaaring kailanganin ang psychological evaluation, medical certificates, marriage certificate kung naaangkop, at mga kaukulang clearance. Mahalaga ring mapatunayan ang kakayahan ng mga aplikante na tugunan ang pisikal, emosyonal, at iba pang pangangailangan ng batang kanilang aamponin.

Hinihikayat ng NACC ang mga nagnanais mag-ampon na makipag-ugnayan sa ahensiya at dumaan sa legal na proseso upang matiyak na ang bawat batang nangangailangan ng pamilya ay mabibigyan ng permanenteng tahanan, pagmamahal, at ganap na proteksiyon sa ilalim ng batas.