Patuloy na ginagabayan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan ang mga opisyal ng Urdaneta City sa proseso ng transisyon sa pamahalaang lokal kasunod ng pagpapatupad ng desisyon ng Office of the Ombudsman, habang hinihintay ang legal na paglilinaw sa paraan ng pagpuno sa mga bakanteng puwesto sa Sangguniang Panlungsod.
Ayon kay Atty. Gerald D. Gallardo, CESE, provincial director ng DILG Pangasinan, natanggap nila noong Oktubre 16 ang kautusan ng Ombudsman na ipatupad ang desisyon. Agad itong isinagawa matapos tanggapin ng mga kinauukulang opisyal ang kopya ng kautusan at makipagtulungan sa proseso. Kasunod nito, nanungkulan ang mga susunod na opisyal ayon sa kanilang ranggo sa Sangguniang Panlungsod bilang alkalde at bise alkalde. Patuloy rin ang pagbibigay ng DILG ng gabay sa mga opisyal upang matiyak ang maayos na pagpapatuloy ng operasyon ng pamahalaang lungsod.
Ipinaliwanag ni Gallardo na anim na miyembro na lamang, kabilang ang bise alkalde, ang kasalukuyang bumubuo sa Sangguniang Panlungsod. Dahil dito, kailangang malinawan ang proseso ng pagpuno sa mga bakanteng puwesto upang makumpleto ang komposisyon ng konseho at matiyak ang wastong pagganap nito sa mga tungkuling lehislatibo. Aniya, may pagkakaiba sa mga probisyon ng Local Government Code at ng City Charter ng Urdaneta City hinggil sa awtoridad na magtalaga ng mga kapalit na miyembro, lalo na sa sitwasyong walang partidong politikal na maaaring magrekomenda ng mga kapalit.
Kaugnay nito, nakatanggap ang DILG Pangasinan ng kahilingan para sa paglilinaw mula kay Councilor Maria Teresa “Tet” Perez Naguiat ng Urdaneta City na nakatuon kay Interior Secretary Jonvic Remulla. Ipinapadala ang nasabing usapin sa regional at central offices ng DILG upang makahingi ng legal na opinyon kung sino ang may awtoridad na magtalaga ng mga kapalit na miyembro ng konseho—ang gobernador o ang alkalde ng lungsod. Layunin nitong matiyak na ang anumang hakbang ay naaayon sa umiiral na batas at mga desisyon ng Korte Suprema, at maiwasan ang mga posibleng suliraning legal sa hinaharap.
Samantala, binigyang-diin ni Gallardo na mahalagang malinawan muna ang usapin bago gumawa ng mga hakbang sa muling pagbuo ng buong konseho. Ipinaliwanag din niya na anim ang batayan sa pagtukoy ng quorum batay sa kasalukuyang komposisyon ng mga halal at kwalipikadong miyembro, habang ang bise alkalde ay hindi isinasama sa pagbibilang ng mga boto para sa pagpasa ng mga panukalang lehislatibo, alinsunod sa naaangkop na jurisprudence. Patuloy na makikipag-ugnayan ang DILG sa mga opisyal ng Urdaneta City upang matiyak na ang mga susunod na desisyon ay naaayon sa batas at mapanatili ang maayos na pamamahala sa lungsod.








