Hinikayat ng Pangasinan Eagles Club ang publiko na makiisa sa gaganaping Dugong Bombo 2026 ng Bombo Radyo Philippines sa Nobyembre 14, bilang suporta sa adbokasiya ng boluntaryong pagdo-donate ng dugo at pagtulong sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Sa nakalipas na tatlong taon, aktibong nakikiisa ang Pangasinan Eagles Club sa nasabing nationwide na bloodletting activity ng Bombo Radyo na patunay umano ng kahandaan ng kanilang grupo na magbigay ng tulong sa komunidad, partikular sa pagsusulong ng sapat na suplay ng dugo para sa mga nangangailangan.

Bilang pagpapatuloy sa kanilang humanitarian service, muli silang makikiisa sa Dugong Bombo 2026 upang makatulong sa pagdaragdag ng suplay ng dugo sa mga pagamutan.

--Ads--

Ayon kay Jerson Ulanday, mahalagang suportahan ang mga ganitong aktibidad dahil sa patuloy na pangangailangan ng mga ospital sa suplay ng dugo. Aniya, malaking tulong ang bawat donasyon, lalo na para sa mga pasyenteng nangangailangan ng agarang pagsasalin ng dugo.

Dagdag pa niya, nagsisilbi ring lifeline ang bloodletting program dahil maaari itong makatulong sa pagliligtas ng buhay ng mga pasyente..

Ipinaliwanag din ng kinatawan na isa sa mga dahilan kung bakit tatlong taon na silang patuloy na sumusuporta sa programa ay ang kanilang pagkilala sa makataong serbisyong isinusulong ng Dugong Bombo.

Bukod dito, nakatutulong din umano ang kanilang pakikilahok upang higit na mahikayat ang mga miyembro ng kanilang grupo na maging aktibo sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan ng dugo.

Kaugnay nito, nanawagan ang Pangasinan Eagles Club sa mga indibidwal na may kakayahan at kuwalipikadong mag-donate ng dugo na makiisa sa naturang aktibidad.

Gaganapin ang Dugong Bombo 2026 sa Nobyembre 14 sa Nepo Mall, Arellano Street, Dagupan City.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at boluntaryong pagdo-donate ng dugo, layunin ng programa na makatulong sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pagamutan at makapagbigay ng pag-asa sa mga pasyenteng patuloy na lumalaban para sa kanilang buhay.