Kinukuwestiyon ni Leonardo Montemayor, chairman ng Federation of Free Farmers, ang DOJ Opinion No. 16 na inilabas umano ni Justice Secretary Fredderick Vida noong Marso 9, na may kaugnayan sa pagbebenta ng mga lupang sakahan.

Ayon kay Montemayor, sa ilalim ng nasabing opinyon, hindi na umano kailangang kumuha ng clearance sa Department of Agrarian Reform o DAR ang may-ari bago ibenta ang lupang sakahan. Wala rin umanong limitasyon sa lawak ng lupang maaaring bilhin ng isang mamumuhunan. Nangangamba siyang magresulta ito sa malawakang land conversion, pagliit ng lupang sakahan at pagbaba ng produksiyon ng pagkain.

Kinuwestiyon din ni Montemayor ang pahayag sa opinyon na tapos na ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Law, dahil aniya, Kongreso lamang ang may kapangyarihang magtakda nito. Naghain na umano ng petisyon ang kanilang grupo kasama ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas upang ipawalang-bisa ang nasabing opinyon. Nagbabala rin siya sa kawalan ng checks and balances sa mga transaksiyon sa lupa, habang tinukoy ang umano’y pagtanggap na ng mga aplikasyon para sa paglilipat ng titulo. Samantala, binatikos niya ang pananahimik umano ni DAR Secretary Conrado Estrella III sa isyu.

--Ads--