Umapela kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na ibalik sa 30 porsiyento na in-qouta at 40% out-qouta ang taripa sa mga imported na produktong baboy, sa gitna ng pagkalugi ng mga lokal na hog raiser na umaabot umano sa lima hanggang walong libong piso kada baboy.

Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng SINAG, nasa ₱90 hanggang ₱120 kada kilo ang presyo ng karne ng baboy sa kasalukuyan, malayo sa inaasahang presyong ₱165 hanggang ₱280 kada kilo.

Aniya, isa sa mga nakadaragdag sa paghihirap ng mga lokal na mag-aalaga ng baboy ang patuloy na pagpasok ng mga imported na produktong baboy.

--Ads--

Ikinababahala rin niya ang mga imported na produktong baboy at ngayon may mga nananatili pa sa mga cold storage nang tinatayang 120 hanggang 200 araw na imported meat.

Dagdag pa ni So, partikular na naaapektuhan ang mga backyard raiser o maliliit na mag-aalaga ng baboy na may limitadong puhunan at kakayahang makipagsabayan sa merkado.

Dahil dito, nanawagan ang Chairman ng SINAG sa administrasyong Marcos na maglabas ng executive order upang pansamantalang pigilan ang pagpasok ng mga imported na produktong baboy at mabigyan ng pagkakataong makabangon ang lokal na industriya ng pag-aalaga ng baboy.