Iginiit ni Engr. Rosendo So, President ng Eastern Pangasinan of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc., na hindi umano naaapektuhan ang Filipino-Chinese community sa lalawigan sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng Chinese envoy.

Ayon kay So, hindi dapat maging hadlang ang mga isyung may kaugnayan sa ugnayang Pilipinas at China sa pagpapatuloy ng mga lehitimong negosyo sa bansa.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng lokal na produksyon upang mapaunlad ang ekonomiya at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa mga inaangkat na produkto.

--Ads--

Dagdag pa ni So, mahalagang suportahan ang mga lokal na prodyuser at negosyante upang mapalago ang kanilang mga negosyo at makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.

Sa halip na maapektuhan ang kabuhayan ng mga mamamayan dahil sa mga kontrobersiyang may kaugnayan sa ugnayang panlabas, iginiit niya ang pangangailangang pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng lokal na industriya at ekonomiya.