Sa halip na magtuon lamang sa mga kontrobersiya sa social media kaugnay ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China, dapat bigyang-pansin ng mga mambabatas ang pagpapalakas sa kakayahang militar ng bansa at ang pondong kinakailangan upang maisakatuparan ito.

Ito ang iginiit ni Atty. Michael Henry Yusingco, political analyst, sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.

Ayon kay Yusingco, nauunawaan ang matinding reaksiyon ng publiko sa mga pahayag na may kinalaman sa pambansang seguridad.

--Ads--

Gayunman, hindi aniya dapat matapos sa mga palitan ng opinyon at diskusyon sa social media ang pagtugon sa mga hamong kinakaharap ng bansa.

Sa halip, dapat pagtuunan ng pansin ang mas malalim na usapin, kabilang ang kakayahan ng Armed Forces of the Philippines o AFP na ipagtanggol ang teritoryo at pambansang interes ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Yusingco na mahalagang palakasin ang kakayahang militar ng bansa, lalo na sa modernisasyon ng mga kagamitan at pagpapahusay sa kahandaan ng sandatahang lakas upang makatugon sa mga banta sa seguridad.

Dahil dito, hinimok niya ang mga mambabatas na pagtuunan ng pansin ang kinakailangang pondo at mga hakbang para sa pagpapalakas ng AFP, sa halip na manatili lamang sa mga kontrobersiya at palitan ng pahayag.