Nagbabala ang grupong Ban Toxic sa posibleng presensya ng lead at iba pang nakalalasong kemikal sa mga pintura, ilang uri ng kandila at mga produktong ginagamit tuwing Halloween, kabilang ang mga costume, maskara at face paint na isinusuot ng mga bata.

Ayon kay Antonio “Tony” Dizon, campaigner ng Ban Toxic, patuloy na binabantayan ng grupo ang mga produktong maaaring magtaglay ng toxic chemicals na posibleng magdulot ng panganib sa kalusugan.

Pinayuhan ni Dizon ang mga magpipintura ng mga puntod ngayong Undas na gumamit ng lead-safe paint at tiyaking may kaukulang label ang produktong bibilhin. Aniya, mahalagang iwasan ang mga pinturang may lead dahil madalas na inilalagay sa ibabaw ng mga nitso ang mga pagkaing pinagsasaluhan ng mga pamilyang dumadalaw sa sementeryo.

--Ads--

Bukod sa pintura, pinag-iingat din ng grupo ang publiko sa ilang uri ng kandilang gumagamit ng lead-core wick o mitsa na naglalaman ng lead. Kabilang dito ang ilang kandilang nasa bote at mga gel-type na kandila na maaaring gumamit ng ganitong uri ng mitsa.

Samantala, pinaalalahanan din ng Ban Toxic ang mga magulang na maging mapanuri sa pagbili ng mga Halloween costume, maskara at face paint para sa mga bata dahil maaari ring magtaglay ang mga ito ng lead at iba pang mapanganib na kemikal.