Pinapayagan na ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan ang paglilinis at pag-aayos ng mga puntod sa mga pampublikong sementeryo simula ngayong Martes, Oktubre 20, bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.
Sa abiso ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Bona Fe de Vera Parayno, hinihikayat ang publiko na simulan na ang paglilinis ng mga puntod bago ang Undas.
Samantala, nagbabala ang Bureau of Fire Protection o BFP Mangaldan laban sa pagsusunog ng mga basurang makokolekta mula sa paglilinis ng mga sementeryo.
Ayon sa BFP, ang pagsusunog ng basura ay ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, Republic Act 8749 o Philippine Clean Air Act, at Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na itapon sa tamang lugar ang mga nakolektang basura at iwasang iwan ang mga ito sa paligid ng sementeryo.
Pinapaalalahanan din ang mga mamamayan na linisin na ang mga puntod habang pinapayagan pa ang pagdadala ng mga kagamitan, bago ipatupad ang pagbabawal sa pagpasok ng mga matutulis na bagay at mga kagamitang maaaring pagmulan ng sunog.










