Nanatiling mapayapa ang Lungsod ng Urdaneta sa kabila ng pagpapatupad ng dismissal order ng Office of the Ombudsman laban sa walong opisyal ng lokal na pamahalaan, kabilang ang alkalde, bise alkalde at anim na konsehal.

Ayon kay Richard Leal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Urdaneta City, maayos na naisilbi ang kautusan at walang naitalang karahasan o kaguluhan sa lungsod.

Sa kabila ng malaking pagbabago sa pamunuan, nagpapatuloy ang operasyon ng lokal na pamahalaan, kabilang ang mga pagpupulong ng Sangguniang Panlungsod, dahil mayroon pa rin umanong sapat na bilang ng mga miyembro upang makabuo ng quorum.

--Ads--

Kasunod ng pagpapatupad ng kautusan, nanumpa na bilang bagong alkalde si Blesildo “Doc Bles” Sumera, habang si Rio Esteves naman ang bagong bise alkalde.

Samantala, inaasahan ang proseso ng pagpili sa mga papalit na konsehal upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga tungkulin ng lokal na lehislatura.

Ayon kay Leal, maaaring isaalang-alang ang rekomendasyon mula sa pamahalaang panlalawigan o ang mekanismong nakasaad sa city charter ng Urdaneta, alinsunod sa mga umiiral na batas at tuntunin sa pagpuno ng mga bakanteng posisyon.

Kabilang sa mga dapat isaalang-alang ang mga kwalipikasyon ng mga aplikante, gaya ng paninirahan at pagiging rehistradong botante sa lungsod. Maaari ring maisaalang-alang ang mga natalong kandidato noong nakaraang halalan, kung natutugunan nila ang mga itinakdang legal na rekisito.

Bagama’t ipinatutupad na ang dismissal order, may mga legal na remedyo pa ring maaaring gamitin ang mga nasibak na opisyal upang kuwestiyunin ang desisyon.

Kabilang dito ang paghahain ng motion for reconsideration sa Ombudsman at petition for review on certiorari sa Court of Appeals, alinsunod sa naaangkop na proseso.

Hangga’t hindi nababaligtad o napapawalang-bisa ang kautusan, hindi pa maaaring makabalik sa kanilang mga dating puwesto ang mga opisyal.

Para kay Leal, kapuri-puri ang naging pagtugon ng mga taga-Urdaneta sa kabila ng sensitibo at mabigat na pangyayari sa kanilang lungsod.

Bagama’t masakit umano para sa komunidad ang naturang sitwasyon, nanatili ang kaayusan at kapayapaan, habang patuloy na gumagana ang pamahalaang lungsod sa gitna ng pagbabago sa liderato.