Dagupan City – Nasawi ang dalawang drayber habang sugatan naman ang isang angkas matapos magsalpukan nang harapan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Manila North Road, Zone 6, Barangay Nancayasan, Urdaneta City noong kasagsagan ng paggunita ng Undas.

Idineklarang Dead on Arrival sa Urdaneta District Hospital ang drayber ng Suzuki Raider na isang 55-anyos na residente ng Nueva Ecija, pati na rin ang drayber ng Honda Click na isang 37-anyos na pintor mula sa Quezon City.

Samantala, patuloy namang ginagamot sa naturang ospital ang 35-anyos na angkas ng Suzuki Raider, na isang canteen helper mula sa bayan ng San Manuel matapos magtamo ng matitinding sugat sa katawan.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon ng Urdaneta City Police Station, naganap ang insidente bandang alas-6:00 ng gabi.

Binabaybay ng Suzuki Raider 150 ang southbound direction sa inner o fast-moving lane nang makasalubong nito ang isang Honda Click 125.

Nabatid na nagtangkang mag-overtake ang drayber ng Honda Click sa sinusundan nitong sasakyan, subalit nakuha nito ang kabilang linya na nagbunga ng direktang salpukan nang harapan.

Sa lakas ng impact, kapwa tumilapon sa kalsada ang dalawang drayber at ang angkas.

Agad namang sumaklolo ang Urdaneta City Emergency Medical Services (EMS) upang isugod sa ospital ang mga biktima, ngunit idineklarang patay na ang dalawang drayber nang idating sa pasilidad.

Lumalabas din sa imbestigasyon na parehong nakasuot ng protective helmet ang dalawang drayber nang maganap ang aksidente, samantalang walang suot na helmet ang angkas.

Malawakang pinsala naman ang natamo ng dalawang motorsiklo na kasalukuyan nang nakaimpound sa Urdaneta City Police Station para sa kaukulang disposisyon.