Dagupan City – Ipinaliwanag ng isang legal expert ang proseso ng pagpili at pagtatalaga ng mga papalit sa walong opisyal ng Urdaneta City, Pangasinan, kasunod ng kanilang umano’y pagkakatanggal sa puwesto.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, maaaring magrekomenda ang Sangguniang Panlungsod ng Urdaneta o ang kinauukulang political party ng mga indibidwal na itatalaga bilang kapalit ng mga nabakanteng puwesto sa konseho, alinsunod sa mga probisyon ng Local Government Code.
Kabilang sa mga sinibak sa puwesto sina Mayor Julio “Rammy” Parayno III, Vice Mayor Jimmy Dereje Parayno, at mga konsehal na sina Franco Paolo San Juan Del Prado, Warren Dela Cruz Andrada, Aurelio Agsalud, Franklin Villanueva, Jhan Hero Sumera, at Alfonso Miguel Manuel Del Prado.
Samantala, nanumpa na bilang bagong alkalde si Blesildo Sumera, habang si Rio Virgilio Esteves naman ang bagong bise alkalde ng lungsod.
Ipinaliwanag ni Cera na maaaring magrekomenda ng mga kwalipikadong indibidwal ang mga natitirang miyembro ng konseho o ang kinauukulang political party, alinsunod sa mga naaangkop na probisyon ng Local Government Code, para sa pagtatalaga ng gobernador ng Pangasinan.
Samantala, maaari paring kuwestiyunin sa Court of Appeals sa pamamagitan ng petition for review ang desisyon ng Office of the Ombudsman laban kay Urdaneta City Mayor Rammy Parayno, Vice Mayor Vice Mayor Jimmy Parayno at 6 na konsehal.
Maaari rin umanong umakyat sa Korte Suprema ang kaso kung hindi pabor sa kanila ang magiging desisyon ng Court of Appeals, depende sa mga legal na batayan na kanilang ihaharap.
Kaugnay nito bilang isang component city, saklaw parin umano ang Urdaneta City ng ilang kapangyarihang administratibo ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang pagrepaso sa mga ordinansa at resolusyon ng lungsod.










