Pinalalawak ng The Medical City (TMC) Pangasinan ang pakikipag-ugnayan nito sa mga unibersidad at iba pang kampus sa Pangasinan sa pamamagitan ng mga kasunduang naglalayong palakasin ang oportunidad sa trabaho at edukasyon, gayundin ang access sa mga serbisyong medikal.
Ayon kay Juan Antonio Maximiano R. Escaño, presidente at chief executive officer ng TMC Pangasinan, naging hamon ang pagkuha ng mga nars nang magsimula siya sa kaniyang pamumuno sa ospital. Gayunman, nakatulong umano ang pakikipag-partner sa dalawang unibersidad at iba pang kampus sa lalawigan sa pagpapaunlad ng mga propesyonal sa larangan ng pangangalagang pangkalusugan.
Bukod sa oportunidad sa trabaho, kabilang sa mga benepisyo ng partnership ang 50 porsiyentong diskuwento sa matrikula para sa mga empleyado ng ospital na mag-aaral sa mga katuwang na unibersidad, gayundin para sa kanilang mga anak. Bahagi ito ng palitan ng mga benepisyo sa pagitan ng mga institusyon upang suportahan ang edukasyon ng mga empleyado at kanilang pamilya.
Sa kabilang panig, maaari ring makatanggap ng mga diskuwento sa mga serbisyong medikal ng TMC Pangasinan ang mga estudyante, empleyado at kamag-anak ng mga katuwang na unibersidad, alinsunod sa mga kondisyon ng kasunduan. Saklaw ng pakikipagtulungan ang edukasyon, oportunidad sa trabaho at serbisyong pangkalusugan, na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga institusyon at makinabang ang kanilang mga komunidad.










