Dgaupan City – Arestado ang isang 32-anyos na indibidwal matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng Bautista Municipal Police Station.

Ayon sa ulat ng pulisya sa pamumuno ni Officer-in-Charge Police Captain Jerwin L. Cabreros, ikinasa ang matagumpay na operasyon mula 12:40 AM hanggang 2:00 AM sa pakikipagkoordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1.

Nasamsam sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, pati na rin ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Isinagawa ang pagmamarka at opisyal na pag-iimbentaryo ng mga ebidensya sa mismong kinaroroonan ng suspek at sa harap ng mga kinakailangang saksi alinsunod sa itinatakda ng batas.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Bautista MPS ang naarestong suspek para sa kaukulang dokumentasyon at paghahain ng kaukulang kasong may kaugnayan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, muling nanawagan ang Bautista MPS sa publiko na patuloy na makipagtulungan at mag-ulat ng anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa buong komunidad.