Tiniyak ng Pamana Water Dagupan City na sapat, ligtas, at handa ang suplay ng tubig sa buong lungsod sa kabila ng patuloy na nararanasang matinding init ng panahon dulot ng epekto ng El Niño.
Ayon kay Pamana Water Branch Manager Glenn Gomez, maagang nagsagawa ng mga hakbang ang kanilang tanggapan upang masigurong hindi magkakaroon ng matinding krisis sa tubig ang mga Dagupeno.
Kabilang sa mga pangunahing binabantayan ng Pamana Water ay ang antas ng tubig sa kanilang mga pinagkukunan o deep wells.
Kasalukuyang may 25 na operational deep wells at pumping stations sa lungsod na pawang gumagana at nasa maayos na kalagayan (good condition) dahil sa regular na preventive maintenance.
Upang mapaghandaan ang anumang teknikal na aberya o breakdown, naglaan na rin ang pasilidad ng sapat na spare equipment at pyesa upang mabilis na maikumpuni ang mga linya at mabawasan ang downtime o panahon ng kawalan ng tubig.
Dagdag pa ni Gomez, nakahanda rin ang kanilang mga water tanker at water truck para maghatid ng tubig at emergency supply sa mga barangay sakaling magkaroon ng hindi inaasahang matinding kakulangan.
Inaasahan din na matatapos ngayong darating na Nobyembre ang karagdagang pasilidad sa Barangay Lasip Grande upang mas mapalakas pa ang kapasidad ng water system habang patuloy ang rehabilitasyon sa iba pang mga linya.
Nakikipag-ugnayan din ang Pamana Water sa Pamahalaang Lokal ng Dagupan at City Engineering Office upang maiwasan ang pagkasira ng mga pipeline sa gitna ng mga itinatayong infrastructure projects tulad ng road upgrading, drainage improvement, at road elevation.
Samantala, nanawagan naman si Gomez sa pangkalahatang publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan kapag may naobserbahang mga sirang linya o water leakage.










