Ipinamalas ng mga mag-aaral sa ikatlong taon ng Bachelor of Elementary Education (BEED) ang kanilang talento at malikhaing pagpapahayag sa pamamagitan ng art exhibit na pinamagatang Lilikna, na hango sa salitang Pangasinan na liknaan o pakiramdam sa Filipino.
Ayon kay Stephanie Perez, third-year BEED student at kalahok sa eksibit, nagsilbi itong pagkakataon upang maipakita ng mga mag-aaral ang kanilang mga likhang-sining at maipahayag ang kanilang mga damdamin sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng sining.
Binubuo ang eksibit ng ilang bahagi na nagpapakita ng proseso ng malikhaing pagpapahayag, kabilang ang mga elemento ng sining at mga likhang nagbalik-tanaw sa kanilang mga obra noong kabataan. Layunin nitong ipakita ang kanilang pag-unlad at mga unang karanasan sa paglikha.
Tampok din ang mga painting na nagpapakita ng paglipat ng emosyon mula sa mabibigat at madidilim na damdamin tungo sa liwanag at kaligayahan. Sa pamamagitan ng mga kulay at disenyo, inaasahang mararamdaman ng mga bisita ang mensahe at emosyon sa likod ng bawat likha.
Kasama rin sa eksibit ang mga mensaheng nagbibigay-inspirasyon na nilikha gamit ang mga sinulid na may kani-kaniyang kahulugan. Naging mahalaga rin ang paggabay ng kanilang tagapayo na si Ms. Princil Garcim sa paghikayat sa mga mag-aaral na tuklasin ang kanilang talento at kilalanin ang sariling damdamin.
Binibigyang-diin ng Lilikna ang kalayaan sa pagpapahayag sa pamamagitan ng sining, kung saan hindi kailangang maging perpekto ang isang obra upang magkaroon ng kahulugan. Sa halip, mahalaga ang kakayahan ng bawat mag-aaral na maipakita ang kanilang damdamin, karanasan, at pananaw sa malikhaing paraan.










