Dagupan City – Nanindigan ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na dapat nang matapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil sapat na umano ang isyu ng unexplained wealth o hindi maipaliwanag na yaman upang matukoy kung may pananagutan ang Bise Presidente.
Ayon kay Leody de Guzman, chairman ng BMP, karapatan ng prosecution na bawiin ang dalawa sa mga artikulo ng impeachment kung naniniwala itong sapat na ang natitirang mga paratang, partikular ang tungkol sa unexplained wealth, upang maipagpatuloy ang paglilitis.
Binanggit din nito ang mga kinukuwestiyong yaman ni Duterte at ng kaniyang asawang si Manases Carpio, gayundin ang paghawak sa mga pondo ng Office of the Vice President (OVP), Department of Education (DepEd), at noong alkalde pa siya ng Davao City.
Kabilang din sa mga isyung binanggit ang umano’y maanomalyang paggamit ng 612.5 milyong pisong confidential at intelligence funds noong 2023.
Gayunman, sinabi ni De Guzman na hindi nasayang ang panahong inilaan sa impeachment proceedings dahil layunin nitong matukoy kung may pananagutan ang Bise Presidente.
Aniya, kung magpapatuloy pa ang paglilitis sa kabila ng sapat na ebidensiya sa ikalawang artikulo, maaari na lamang umanong masayang ang karagdagang panahon.
Kaugnay nito, ibinahagi ni De Guzman ang isinagawang rally ng kanilang grupo upang igiit ang pagpapanagot kay Duterte.
Aniya, hindi dapat magtapos sa impeachment ang usapin, kundi dapat ding magkaroon ng kaukulang kasong kriminal kung may sapat na batayan, gayundin ang pagbawi sa perang mapatutunayang nagamit o nakuha nang labag sa batas.
Matatandaang nahaharap si Duterte sa apat na artikulo ng impeachment na tumatalakay sa mga alegasyon ng paglabag sa Konstitusyon, katiwalian, bribery, at iba pang krimen o pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Ang mga ito ay mga paratang na kailangang resolbahin sa pamamagitan ng itinakdang proseso ng impeachment.









