Isinusulong ng Police Regional Office 1 (PRO-1) ang pagbuo ng organisadong press corps sa Dagupan City upang mapalakas ang ugnayan ng kapulisan at media sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa kapayapaan at kaayusan.

Ayon kay PMAJ Cherry Tolentino, Chief Public Information Officer (PIO) Region I, isinagawa ang isang meet-and-greet upang talakayin ang mga kinakailangan at proseso ng pagiging miyembro ng PNP-PRO-1 Press Corps sa lungsod.

Bahagi ito ng inisyatiba ng PRO-1 sa pamumuno ng Regional Director na si Police Brigadier General Cesar A. R. Tolentino upang maisaayos ang hanay ng mga mamamahayag na makikipag-ugnayan sa kapulisan sa Dagupan City.

--Ads--

Inaasahang sa Enero gaganapin ang halalan para sa mga opisyal ng press corps sa Dagupan City Police Office. Binigyan din ng panahon ang mga interesadong aplikante na kumpletuhin at iproseso ang mga kinakailangang dokumento para sa kanilang aplikasyon.

Umaasa naman ang PRO-1 sa pakikipagtulungan ng mga mamamahayag upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, hindi lamang sa Pangasinan kundi sa buong rehiyon at bansa.

Sa pamamagitan ng mas organisadong ugnayan ng kapulisan at media, layon ng inisyatiba na mapalakas ang pagpapalitan ng impormasyon at masuportahan ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko.