Matumal ang bentahan ng mga parol sa Barangay Caranglaan sa Dagupan City, kasunod ng mga nagdaang bagyo at pagbaha na nakaapekto sa kabuhayan ng mga nagtitinda.

Ayon kay Neila Patani, na mas kilala bilang “Apola” sa kanyang mga suki, kinailangan nilang pansamantalang magsara matapos ang mga kalamidad at muling nagbukas noong ikalawang linggo ng Setyembre.

Bagama’t unti-unti nang bumabalik ang kanyang mga regular na customers, nananatiling hamon ang mahinang bentahan dahil mas inuuna ng mga tao ang pagbili ng mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw. Sa kabila nito, hangad ni Neila na mapanatili ang suporta ng kanyang mga suki sa pamamagitan ng pagpapanatili ng dating presyo para sa mga regular na customer.

--Ads--

Ramdam din ng mga nagtitinda ng parol sa Caranglaan ang dagdag-gastos sa kanilang negosyo, kabilang ang pagtaas ng presyo ng mga materyales, bayarin sa kuryente, at gastos sa transportasyon dahil sa mahal na gasolina.

Ayon kay Feliciano Meneses, mas maganda ang bentahan noong nakaraang taon kumpara sa kasalukuyan. Bukod sa epekto ng pagbaha at hirap sa buhay, dagdag-pasanin din ang gastos sa pagpapailaw ng mga parol tuwing gabi, lalo na kapag kakaunti ang kanilang naibebenta.

Gayunman, umaasa si Meneses na sisigla ang bentahan pagkatapos ng Undas, na karaniwang panahon ng pagdami ng mga mamimili at retailer na naghahanda para sa Kapaskuhan.

Sa kabila ng mahinang bentahan at pagtaas ng mga gastusin, patuloy na umaasa sina Patani at Meneses na mas dadami ang mamimili habang papalapit ang Pasko.

Inaanyayahan nila ang publiko na mamili ng mga parol sa Caranglaan, kung saan may iba’t ibang laki at disenyo na maaaring pagpilian bilang bahagi ng paghahanda sa Kapaskuhan.