Dagupan City – Nakatutok ngayon ang Alcala Municipal Police Station sa pagtukoy sa motibo sa likod ng pagpatay sa isang 54-anyos na magsasaka na pinagbabaril sa kanyang palayan sa Barangay Pindangan Centro sa bayan ng Alcala.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, katatapos lamang magbomba ng pestisidyo sa kanyang mga tanim na palay ang biktima nang maganap ang pamamaril pasado alas-8:00 ng umaga.

Pasakay na sana ang biktima sa kanyang kulong-kulong nang biglang lumapit ang armadong suspek at agad siyang pinagbabaril gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

--Ads--

Bagamat nakatakbo pa at nagtangkang tumakas ang biktima, patuloy pa rin itong pinaputukan ng suspek hanggang sa tuluyang bumagsak sa palayan at maideklarang dead on the spot dahil sa matitinding tama ng bala sa katawan.

Mabilis namang tumakas ang suspek patungong silangan sakay ng isang itim na motorsiklong walang plaka.

Dahil sa nangyari, agad namang nagsagawa ng crime scene processing ang mga tauhan ng SOCO sa lugar ng insidente, habang agad namang naglatag ng dragnet operation ang mga pulis sa mga karatig-bayan upang matukoy at maaresto ang tumakas na suspek.