Ipinahayag ni Manases “Mans” Carpio ang pagkadismaya sa pagkakadawit niya sa mga kontrobersiyang kinahaharap ng kaniyang asawang si Vice President Sara Duterte, at inilarawan ang sarili bilang “collateral damage” sa impeachment case laban sa bise presidente.

Giit ni Carpio, nadadamay siya sa kaso at tila siya na rin ang ini-impeach dahil wala umanong makita ang mga kumukuwestiyon kay Sara.

Ibinahagi ni Carpio, ang kaniyang saloobin sa isang pagtitipon para sa pagbubukas ng punong-tanggapan ng Tabang, Respeto ug Panalipod sa Tanan (TROPA) at 1Bukidnon 4 Sara Duterte Movement sa Barangay Poblacion noong Huwebes ng nakaraang linggo.

--Ads--

Naganap ang pahayag habang nagpapatuloy sa Senado ang impeachment proceedings laban kay Duterte. Kabilang sa mga reklamong inihain laban sa bise presidente ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, maling paggamit ng pondo ng bayan, grave threats at panunuhol.

Sa gitna rin ng masusing pagsusuri sa mga ari-arian at rekord ng negosyo ng kanilang pamilya, sinabi ni Carpio na malaking sandigan nila ang pananampalataya at panalangin sa pagharap sa kasalukuyang kontrobersiyang pampolitika.

Nagpasalamat din siya sa mga residente ng Bukidnon at sa pamilyang Pepito ng Valencia City sa patuloy na ugnayan at suporta ng mga ito sa pamilya Duterte. Sinabi niyang umaasa siyang makababalik sa lalawigan sa susunod na taon kung magiging maayos ang mga pangyayari.

Samantala, ipinaliwanag ni dating Valencia City Vice Mayor at abogado na si Ted Pepito ang layunin sa pagtatatag ng bagong punong-tanggapan ng kilusan. Aniya, nilikha ito bilang isang sentralisadong lugar para sa talakayan at pagtitipon ng iba’t ibang sektor.

Layunin ng koalisyon na pag-ugnayin ang mga manggagawa, negosyante at mga propesyonal, at palawakin ang pakikipag-ugnayan sa mga tagasuporta mula sa iba’t ibang sektor, lampas sa nakasanayang pagkakahati-hati sa lokal na politika.