Dagupan City – Naniniwala ang isang constitutional expert na mahihirapang ipaliwanag ng defense panel ang malalaking halaga ng perang pumapasok at lumalabas umano sa mga bank account na nauugnay kay Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Atty. Manases “Mans” Carpio.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, nakumpirma umano sa mga naging testimonya at dokumentong inilahad sa pagdinig ang ilang transaksyon sa mga naturang account, kabilang ang malalaking deposito at withdrawal. Aniya, may mga testimonya rin mula sa ilang panig at executive employees na umano’y nagpapatibay sa mga naunang pahayag ng mga testigo.

Binigyang-diin ni Cera na kapansin-pansin umano ang halaga ng mga transaksyong nakita sa mga bank account, lalo na’t may ilang account na sinasabing magkasanib na pagmamay-ari nina Vice President Sara Duterte, Atty. Carpio at dating Pangulong Duterte.

Aniya, mahalagang maipaliwanag kung saan nagmula at saan napunta ang malalaking halagang ito.

Dito rin aniya pumapasok ang tanong kung paano maipapaliwanag ang umano’y malaking revenue na umaabot sa 319 milyong piso, kung ikukumpara sa sinasabing laki at kapasidad ng negosyo na pinag-uugnayan nito.

Bagama’t may pagtanggi umano mula sa Chinese government kaugnay ng ilang transaksyon, sinabi ni Cera na mahalaga pa ring siyasatin ang pagkakaugnay ng mga transaksyon sa mga korporasyong may relasyon sa pamilya ng bise presidente.

Nauna nang lumitaw sa pagdinig na may ilang aktibong bank account sa BPI na nakapangalan kay Vice President Sara Duterte, Atty. Manases “Mans” Carpio, at iba pang joint accounts nina VP Sara at ng kaniyang ama na si dating Pangulong Duterte. Samantala, mahigit 34 naman umano ang naiulat na closed individual accounts na nakapangalan sa mga nabanggit na account holder.

Gayunman, hindi pinayagan ni Trial Presiding Officer, Senador Chiz Escudero, na isapubliko ang kabuuang halaga ng perang laman ng mga naturang account.

Samantala, iginiit ni Atty. Niña Aguilar, head ng Anti-Money Laundering Division ng Metrobank, na lahat ng suspicious transactions na kanilang iniuulat sa Anti-Money Laundering Council o AMLC ay sumasailalim sa masusing pagsusuri at validation.

--Ads--