Tatlo ang nasawi habang 36 ang sugatan matapos atakehin ang dalawang paliparan sa Saudi Arabia, kasabay ng paglala ng labanan sa Yemen.

Ayon sa Saudi civil aviation authorities, isang tao ang namatay at walo ang nasugatan sa pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh.

Dalawa naman ang nasawi at 28 ang sugatan sa pag-atake sa mga pasilidad ng Abha Airport.

--Ads--

Inako ng grupong Houthi ang pananagutan sa ilang pag-atake, kabilang ang paggamit ng mga drone laban sa paliparan sa Riyadh.

Bilang tugon, naglunsad naman ng mga pag-atake ang Saudi-led coalition laban sa mga target ng Houthis sa Yemen.

Ayon sa coalition, mahigit 80 Houthi military sites ang kanilang tinarget sa mga lalawigan ng Saada, Hodeidah, Jawf at Marib.

Samantala, inatake rin ng Houthis ang Aden International Airport sa Yemen gamit ang mga missile at drone.

Ayon sa Yemeni Transport Ministry, tumama ang isang missile malapit sa runway ilang minuto bago ang nakatakdang paglapag ng isang flight mula Cairo.

Dahil dito, hindi itinuloy ng eroplano ang paglapag at sa halip ay inilipat ang flight nito sa Jeddah, Saudi Arabia.

Patuloy na tumitindi ang labanan sa Yemen, na nagresulta rin sa paglikas ng mahigit 200,000 katao, ayon sa International Organization for Migration.