‎Nakapagtala ng ilang minor cases ng pagkahilo ang ilang estudyante sa Mangaldan National High School na iniuugnay sa mataas na temperatura nitong mga nakaraang araw. Agad namang nabigyan ng kaukulang atensyon ang mga estudyanteng nakaranas ng sintomas.
‎
‎Ayon kay Danilo Eden, assistant school principal ng paaralan, isolated ang mga insidente at nananatiling manageable ang sitwasyon. Patuloy aniyang minomonitor ng pamunuan ang kalagayan ng mga mag-aaral, lalo na sa oras na tumataas ang temperatura.
‎
‎Kabilang sa mga sinusuri ng paaralan ang ventilation sa mga silid-aralan upang matiyak na sapat ang pumapasok na hangin at mabawasan ang epekto ng init sa loob ng silid. Pinapaalalahanan din ang mga mag-aaral na manatiling hydrated at agad magsabi sa mga guro kung makaramdam ng pagkahilo o panghihina.
‎
‎Patuloy naman ang pagbabantay ng pamunuan sa kondisyon ng mga silid-aralan at kalagayan ng mga mag-aaral habang nananatiling mainit ang panahon. Layunin nitong maagapan ang posibleng paglala ng mga sintomas at mapanatili ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral.