Ginagamit ng Pangasinan artist na si Manalo Gamboa ang mga junk, found at retrieved objects bilang pangunahing materyales sa paglikha ng kaniyang mga likhang-sining, kung saan binibigyan niya ng bagong anyo at kulay ang mga bagay na maaaring ituring na hindi na kapaki-pakinabang.
Sa proseso ng kaniyang paggawa, hinahayaan niyang ang mismong materyales ang magsilbing inspirasyon sa konsepto ng kaniyang obra. Kabilang dito ang mga acrylic skin at piraso ng mga painting na na-scrape at nakolekta ni fellow artist Gino, na muling binigyan ni Gamboa ng kulay at anyo.
Matagal na ring bahagi ng mundo ng sining si Gamboa. Nagsimula siyang makibahagi sa mga art exhibit noong dekada 1990 at nagtrabaho nang 17 taon sa Paris, France kasama ang isang bronze sculptor, kung saan naging bahagi siya ng proseso ng paglilinis at paghubog ng bronze sculptures.
Pagbalik sa Pilipinas, ipinagpatuloy ni Gamboa ang paglikha at nakibahagi sa iba’t ibang exhibit sa Tarlac, Pangasinan at iba pang lugar. Kabilang sa mga pinagdausan ng kaniyang mga obra ang Diwa ng Tarlac, mga exhibit sa shopping malls at Banaan Museum sa Lingayen, habang mayroon din siyang tatlong likhang nakadisplay sa Museo de Binalonan.
Hangad ni Gamboa na mahikayat ang mga nakakakita ng kaniyang mga obra na gamitin ang kanilang imahinasyon at maging bukas sa iba’t ibang anyo ng sining. Hinimok din niya ang mga kabataan na bigyang-oras at pagsisikap ang pagpipinta at sculpture upang mapaunlad ang kanilang talento at magkaroon ng mas malawak na pagpapahalaga sa sining.










