Dagupan City – Hinihikayat ni Pangasinan Governor Ramon Guico III ang Sangguniang Panlalawigan na kilalanin bilang opisyal na branding ng lalawigan sa mga sports tournament ang Pangasinan Asinderos.
Ayon kay Guico, hindi umano inaasahan ng mga organizer ang pag-abot ng koponan sa championship, ngunit ipinakita nitong walang imposible sa sports. Dahil dito, tiniyak ng gobernador ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa koponan.
Makakaharap ng Pangasinan Asinderos ang Tikas Kapampangan sa best-of-five finals series ng National Basketball League o NBL Pilipinas. Sinabi rin ni Guico na maglalaan ang provincial government ng bus para sa Asinderos bilang bahagi ng suporta nito sa koponan.
Hinikayat din ng gobernador ang Sangguniang Panlalawigan na kilalanin ang Asinderos bilang sports team na kumakatawan sa Pangasinan, lalo’t dala umano nito ang pangalan ng lalawigan sa branding na hango sa “asin” at “-deros.”
Samantala, tuluyan nang pumasok sa finals ng NBL Pilipinas ang Pangasinan Asinderos matapos dominahin at pataubin ang Taguig City Generals sa kanilang best-of-three semifinals series.










