Pinalalawak ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ang mga programang pangkalusugan nito upang mas maraming residente ang makinabang sa libreng konsultasyon, pagpapaospital at pamamahagi ng mga gamot sa mga district hospital at iba pang pasilidad sa lalawigan.

Ayon kay Governor Ramon Guico III, kabilang sa mga benepisyong maaaring matanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng PhilHealth YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program ang libreng checkup at mga serbisyong medikal. Mayroon ding nakalaang 300 pisong insentibo para sa pamasahe at pagkain, na maaari umanong iuwi kung hindi magamit.

Kaugnay nito, isinusulong din ang GAMOT program ng PhilHealth na naglalayong magbigay ng libreng gamot sa mga nangangailangan. Mayroong 75 uri ng gamot na nakalaang ipamahagi buwan-buwan sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

--Ads--

Maaaring magtungo ang mga residente sa mga district hospital at Guico Centers upang makakuha ng impormasyon at makapag-avail ng mga nasabing programa. Maaari rin silang magpalista sa kanilang barangay upang maihatid mismo sa kanilang mga tahanan ang mga gamot na kailangan nila.