Umabot na sa 22 na medalya ang nasungkit ng Philippine Team na lumalahok sa 20th Asian Games na ginaganap ngayon sa Japan.

Binubuo ito ng 3 gold, 5 na silver at 14 bronze medals.

Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, tatlong araw bago ang pormal na pagtatapos ng kompetisyon ay patuloy pang umaani ng medalya ang delegasyon ng Pilipinas.

--Ads--

Nakuha ang mga medalya mula sa mga larangang sinalihan ng bansa, na may kabuuang 38 sports.

Sa kasalukuyang medal tally, nasa ika-18 puwesto ang Pilipinas sa 45 bansang lumahok sa Asian Games.

Samantala, itinuring na makasaysayan ang delegasyon ng Pilipinas ngayong taon dahil umabot sa 447 ang kabuuang bilang ng contingents, kabilang ang mga atleta at iba pang miyembro ng delegasyon. Ito na umano ang pinakamalaking Philippine delegation na lumahok sa Asian Games.

Gayunman, posible pang madagdagan ang bilang ng medalya ng bansa sa mga natitirang araw ng kompetisyon.

Kabilang sa mga inaasahang lalaban para sa karagdagang medalya sina Carlo Paalam sa boxing, gayundin sina Anie Ramirez at Kimberly Custodio sa beach volleyball. May mga kalahok din ang Pilipinas sa judo at taekwondo na may pagkakataong makapag-uwi ng medalya.

Mahalaga rin ang Asian Games bilang bahagi ng paghahanda ng mga atleta para sa mga susunod na international competitions, kabilang ang qualification pathways para sa 2028 Olympic Games.

Kabilang sa mga atletang nakakuha na ng qualification para sa 2028 Olympics sina Carlos Yulo at EJ Obiena.

Umasa rin ang marami na makakasungkit ng mas mataas na medalya ang Filipina tennis star na si Alex Eala, ngunit nauwi ito sa bronze medal.

Sa panayam kay Eala, sinabi niyang ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya sa kompetisyon, ngunit kinailangan niyang tanggapin ang naging resulta.

Samantala, umaasa pa rin ang Philippine delegation na madadagdagan ang medalya ng bansa bago tuluyang magsara ang 20th Asian Games.