Dagupan City – Hindi lang pamilya ni Mary Jane Veloso kundi pati ang kanyang kabarangay sa Barangay Burol sa bayan ng Gen. Mamerto Natividad sa lalawigan ng Nueva Ecija ang nagdiwang sa pagkakalaya nito matapos bigyan ng Pangulo ng Absolute Pardon.
Matatandaan na noong sabado ng hapon ay nakauwi na sa kanilang lugar si Mary Jane nang sunduin siya ng kanyang pamilya gabi ng Biyernes.
Ayon kay Kapitan Pablo Pangilinan, hindi lamang ang kanyang pamilya kundi ang buong komunidad ang masaya sa kanyang pagdating.
Saad nito na malapit ang ugnayan ng barangay sa mga magulang ni Mary Jane, lalo na sa kanyang amang si Tatay Cesar, bagaman hindi pa nila nakikilala nang personal si Mary Jane bago ang kanyang pagbabalik.
Inilahad ni Pangilinan na kilala ang pamilya sa pagiging mabuti at tapat na kapitbahay.
Hindi madali ang kanilang pinagdaanan — nananatiling simple at mahirap ang kanilang pamumuhay, ngunit nakakaraos dahil sa pagsisikap.
Pagbabahagi pa nito na mula nang makulong si Mary Jane, hindi nawala ang suporta ng marami lalo na ang ilang mga kilalang politiko sa kanilang lugar at hindi rin nawala ang kanilang pagtitiwala sa Diyos hanggang sa makamit ang kanyang paglaya.
Para naman kay Kagawad Cesario Dayao, ang pagbabalik ni Veloso ay isang malaking biyaya.
Hindi lamang nakapiling na muli ng kanyang pamilya ang kanilang matagal nang hinihintay, kundi inaasahan ding makakapag-ambag siya sa pag-unlad ng kanilang barangay.
Bagaman hindi dito lumaki ang pamilya at lumipat lamang sa lugar na ito, tinanggap sila nang buong puso ng lahat.
Ipinahayag din ni residente Aurelio Santos ang kanyang pasasalamat sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay ng pagkakataon na lumaya si Mary Jane.
Kinilala niyang tapat at malinis ang pamumuhay ng pamilya, at ang pagbabalik ni Mary Jane ay isang sagot sa panalangin ng marami.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang suporta at panalangin ng mga kapitbahay at mamamayan ng Barangay Burol para sa panibagong simula ng buhay ni Mary Jane Veloso kasama ang kanyang buong pamilya.










