Kinuwestiyon ni Senator Joel Villanueva ang malaking pagbawas sa pondo para sa libreng tuition ng mga estudyante sa state universities and colleges (SUCs), kasabay ng nalalapit na pagpapatupad ng batas na naglalayong gawin prayoridad ang pagtulong sa mga pinakamahihirap na mag-aaral.
Sa pagdinig ng panukalang budget ng Commission on Higher Education (CHED) at mga SUC, Tinukoy ni Villanueva na bumaba ng ₱9.757 bilyon ang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education (UAQTE), mula ₱37.547 bilyon ngayong 2026 tungo sa ₱27.790 bilyon sa panukalang 2027 budget.
Mas malaki rin ang kabuuang bawas sa pondo ng CHED. Mula sa ₱48.369 bilyon ngayong taon, magiging ₱35.453 bilyon na lamang ang iminungkahing alokasyon para sa ahensya sa 2027, o ₱12.916 bilyon na pagbaba.
Ayon kay Villanueva, mahalagang tiyaking sapat ang pondo para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12325, na nag-aamyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act at naglalayong mas maituon ang mga subsidy sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.
Binigyang-diin din ng senador na maliit pa rin ang bahagi ng mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) na nagmula sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa unang semestre ng Academic Year 2025-2026, 12.6% lamang ng mga TES grantees ang mula sa 4Ps households.
Sinabi ni Villanueva na isa sa mga layunin ng RA 12325 ang tugunan ang ganitong agwat sa pamamagitan ng mas maayos na pagtukoy sa mga estudyanteng dapat makinabang sa subsidy.
Samantala, may mga programa naman ng CHED na nakatakdang madagdagan ang pondo sa 2027.
Ang Student Financial Assistance Programs ay may panukalang ₱3.185 bilyon, mula sa ₱2.154 bilyon ngayong taon. Dahil dito, inaasahang tataas mula 42,128 tungo sa 49,243 ang bilang ng mga benepisyaryong matutulungan.
May dagdag na pondo rin ang Doktor Para sa Bayan o Medical Scholarship and Return Service Program na may ₱1.232 bilyong alokasyon para sa 2027. Ito ay nakatakdang suportahan ang 4,557 continuing scholars at magbigay ng scholarship sa 700 bagong medical students.
Ayon kay Villanueva, positibo ang pagtaas ng pondo para sa scholarship at iba pang financial assistance programs, ngunit nananatiling mahalaga ang sapat na budget para maisakatuparan ang reporma sa tertiary education.










