Nag-alok ang Iran sa Estados Unidos ng kasunduan na maaaring magbigay-daan sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz sa loob ng pitong araw, ayon kay Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi.

Ayon kay Araghchi, isasagawa ang pagbubukas ng estratehikong daluyan ng tubig kung matutugunan ng Washington ang mga kondisyong nakapaloob sa memorandum of understanding na nilagdaan noong Hunyo.

Ipinadala umano ng Iran ang panukala sa Estados Unidos sa pamamagitan ng Qatar.

--Ads--

Sinabi rin ng Iranian foreign minister na maaaring maibalik ang normal na pagdaan ng mga barko sa loob ng pitong araw matapos tanggapin ng Washington ang panukala, habang maaari namang magsimula ang panibagong usapang nukleyar ng dalawang bansa.

Samantala, sinabi ng isang opisyal ng Estados Unidos na nagpapatuloy ang positibong talakayan sa pamamagitan ng mga mediator, kabilang ang usapin sa nuclear program ng Iran.

Hindi naman direktang nagkomento ang Washington sa kabuuan ng panukala ng Tehran.

Mahalaga ang Strait of Hormuz sa pandaigdigang suplay ng enerhiya dahil malaking bahagi ng langis at liquefied natural gas na ipinapadala sa buong mundo ang dumaraan dito.

Ang pagsasara nito kasunod ng labanan ay nakaapekto sa pandaigdigang kalakalan at nagdulot ng pagbabago sa presyo ng enerhiya.