Naniniwala si Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People’s Empowerment in Governance, na kahit isang article of impeachment lamang na kinakaharap ni Vice President Sara Duterte, partikular ang alegasyon ng grave threats, ay maaari nang maging sapat na batayan para sa conviction at impeachment.

Ayon kay Simbulan, makikita umano sa video mismo ang insidenteng pinag-uusapan, kung saan si Vice President Sara Duterte ay maaari umanong maging pangunahing witness laban sa kanyang sarili. Sinundan pa umano ito ng mga resource person na humarap sa impeachment proceedings upang magbigay ng kanilang mga pahayag at impormasyon.

Inihalimbawa ni Simbulan ang impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona, na aniya ay nakitaan ng sapat na batayan para sa conviction kaugnay ng hindi pagdeklara ng ilang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.

--Ads--

Binigyang-diin ni Simbulan na hindi dapat mawala sa pokus ang pangunahing usapin ng impeachment proceedings—ang accountability ng isang public official.

Ayon sa kanya, mahalaga na mapanatili ng Senate majority ang momentum ng paglilitis at maiharap ang natitirang mga testigo at ebidensya upang maging maayos ang pagpapatuloy ng impeachment trial.

Bagama’t maraming technicalities at legal na usapin ang pinagdedebatehan ng magkabilang panig, sinabi ni Simbulan na hindi dapat kalimutan na ang sentro ng impeachment ay ang pananagutan ng isang mataas na opisyal ng gobyerno.

Aniya, kahit pinakamataas na opisyal ng bansa ay kailangang managot kung mapatutunayang nagkasala at lumabag sa kanyang tungkulin sa taumbayan.

Kung ma-convict si Vice President Sara Duterte, hindi lamang umano siya matatanggal sa kasalukuyang posisyon. Ayon kay Simbulan, maaari rin itong magresulta sa permanenteng disqualification sa paghawak ng anumang public office sa hinaharap, alinsunod sa mga probisyon ng Konstitusyon.

Samantala, nagpapatuloy ang impeachment proceedings habang hinihintay ang mga susunod na witness at ebidensiyang ihaharap sa Senate Impeachment Court.