Kinuwestiyon ni Davao City 1st District Representative Paolo Duterte ang naging desisyon ng Senado, na nakaupo bilang impeachment court, hinggil sa bilang ng boto na kailangan para sa conviction sa impeachment trial.
Ayon kay Duterte, hindi awtomatikong nagiging constitutional ang isang interpretasyon dahil lamang ito ay sinuportahan ng nakararami. Iginiit niya na malinaw sa Saligang Batas na kailangan ang concurrence ng 2/3 ng lahat ng miyembro ng senado para sa conviction.
Aniya, kung may pagtatalo sa interpretasyon ng probisyon ng Konstitusyon, nararapat na ang Korte Supreme ang magpasya kung naaayon ito sa fundamental law ng bansa.
Binigyang-diin din ni Duterte na pansamantala lamang ang mga posisyon sa pamahalaan, habang ang Konstitusyon ay nananatiling pinakamataas na batas ng bansa.
Samantala, nagpahayag din siya ng pagtutol sa anumang hakbang na aniya ay maaaring magbago sa constitutional requirement batay lamang sa kasalukuyang bilang ng mga boto sa Senado.










