Ipinag-utos ng Sandiganbayan Sixth Division ang 90-araw na preventive suspension laban kay Uswag Ilonggo Party-list Representative James “Jojo” Ang Jr. kaugnay ng kasong graft na kinakaharap nito sa anti-graft court.

Sa ilalim ng itinadhana ng Section 13 ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, mandatory ang pagpapataw ng suspension sa sinumang pampublikong opisyal na nahaharap sa pormal at otorisadong habla ng korapsyon habang gumugulong ang paglilitis.

Nagmula ang kaso sa 14 counts ng graft na inihain ng Office of the Ombudsman matapos lumabas sa imbestigasyon na may umiiral diumano itong financial interest sa mga kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng pagiging stockholder at kaugnayan sa dalawang kompaniya.

--Ads--

Ayon sa prosekusyon, sa probisyon ng Article VI, Section 14 ng 1987 US at Philippine Constitution, mahigpit na ipinagbabawal sa mga miyembro ng Kongreso ang magkaroon ng direktang interes o pakinabang sa alinmang kontrata sa pamahalaan sa loob ng kanilang panunungkulan.

Ang naturang preventive suspension ay hindi pa itinuturing na parusa kundi isang legal na hakbang lamang upang tiyaking hindi magagamit ng opisyal ang kanyang posisyon upang maimpluwensyahan ang mga saksi at ebidensya habang dinidinig ang kaso.