Kinumpirma ni Securities and Exchange Commission (SEC) Dir. Gerardo Del Rosario kay Senator-judge Francis “Kiko” Pangilinan na may hawak na 54.99 porsyentong pagmamay-ari ang JTC Group of Companies sa GenCorp Industries Inc., ayon sa nakatala sa 2025 General Information Sheet (GIS) ng kumpanya.
Si VP Sara Duterte ay isa sa incorporator, stockholder, at board member umano ng JTC.
Ipinaliwanag ni Del Rosario na bilang majority shareholder, mayroong malaking impluwensya at direktang kontrol ang JTC Group sa mga pangunahing desisyon ng GenCorp, kabilang ang paghalal ng mga miyembro ng board of directors at pagpili ng ilang corporate officers.
Sa patuloy na pagtatanong ni Pangilinan sa impeachment court, kinumpirma rin ng abogado ng SEC na may mga umiiral na “common shareholders” at opisyal na nag-uugnay sa GenCorp, City Hall Chow Foods Corporation, at Metro City Chow Foods Corporation.
Naging mahalaga ang paglutang ng mga dokumentong ito upang hamunin at suriin ng impeachment court ang koneksyon ng mga kumpanya sa isa’t isa kaugnay ng mga iniuugnay na business interests at ari-arian ng Bise Presidente.
Patuloy namang tinitimbang ng lupon ng mga senador ang mga ipinresentang corporate structures upang matukoy ang sakop ng impluwensya at pananagutan ng mga sangkot na personalidad sa kasalukuyang paglilitis.










