Sa botong 17-0, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2426 o ang panukalang Comprehensive School Safety Act.

Layunin ng panukala na palakasin ang mga hakbang para mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan, gayundin ang proteksyon sa mga estudyante, guro at iba pang miyembro ng school community.

Kabilang sa mga itinataguyod ng panukala ang pagpapatupad ng mga learner protection program at mas organisadong sistema para sa pagtukoy, pag-iwas at pagtugon sa mga banta sa loob at paligid ng mga paaralan.

--Ads--

Isinusulong ang panukala kasunod ng mga naitalang insidente ng karahasan at pamamaril na nakaapekto sa mga paaralan at mga mag-aaral.

Matapos ang pag-apruba sa Senado, kailangan namang dumaan ang panukala sa mga susunod na proseso sa lehislatura bago ito tuluyang maging batas.