Personal na binisita ni Department of Education Secretary Sonny Angara ang Banga National High School sa South Cotabato ngayong araw, Setyembre 19 kasunod ng trahedya ng pamamaril sa paaralan upang pangunahan ang mga agarang aksyon at magpaabot ng tulong sa mga naapektuhang pamilya at tauhan.

Nakipagpulong si Secretary Angara sa mga staff ng paaralan, mga magulang, mga pinuno ng lokal na pamahalaan at pulisya, upang ipag-ugnay ang mga emergency response, magpadala ng mga kritikal na psychosocial service, at tugunan ang mga usapin sa seguridad.

Ininspeksyon din ng kalihim ang paaralan, dumalo sa security briefing at debriefing session para sa mga guro at kawani, binisita ang burol ng mga biktima at pinalakas ang loob ng mga sugatan sa ospital.

--Ads--

Binigyang-diin ni Angara ang pangangailangan para sa agarang pagkalinga, ugnayan sa komunidad, at mga aktibong interbensyon sa mental health upang maiwasan ang mga katulad na insidente.

“No words can undo the grief and trauma felt by our families here in Banga. Our primary duty right now is care, providing real, sustained support to our learners, teachers, and personnel,” pahayag ni Angara.

Humiling ang DepEd sa mga opisyal ng barangay at mga tanod ng dagdag suporta sa mga police patrol, lalo na sa mga eskwelahan na walang sariling security guard.

Binigyang prayoridad din ni Angara ang maagang suporta sa mental health, at sinabing  ang mga usaping may kaugnayan sa pag-uugali ng mga mag-aaral ay nangangailangan ng interbensyon ng buong komunidad.