Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na exposed sa ‘dark web’ at may pinagdadaanang depresyon ang menor de edad na suspek sa pamamaril sa isang paaralan sa South Cotabato.

Itinuturing ang mga ito na pangunahing dahilan sa pamamaril ng estudyante, na ikinasawi ng dalawa niyang kapwa mag-aaral at tinatayang nasa walo ang sugatan na kasalukuyang nagpapagaling sa pagamutan.

Ipinaliwanag ni Remulla na may mga ‘dark web’ site na nagtatago sa loob ng ilang partikular na mobile app para mang-akit at mag-impluwensya sa mga kabataan na gumawa ng krimen. Isa pa sa nakikita niyang malaking suliranin ay ang pinadaling pag-access ng mga kabataan sa social media sa kasalukuyan.

--Ads--

Dahil dito, nakikipag-usap na ang ahensya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para malimitahan ang access ng mga menor de edad sa social media at mailayo sila sa mga masasamang loob.

Hinimok din niya ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at palagiang i-monitor ang ginagawa ng mga ito sa internet pati na ang mga nakakausap online.

Samantala, iginiit ng kalihim na walang pagkukulang ang mga awtoridad sa seguridad ng paaralan dahil tsinek naman aniya ang bag ng bata, ngunit napag-alaman na itinago pala nito ang baril sa kanyang likod.

Nilinaw rin ni Remulla na wala silang balak na limitahan ang media sa pagbabahagi sa mga impormasyon partikular sa pangyayari katulad ng mga ganitong insidente, aniya dapat lang na malaman ng publiko ang mga totoong kaganapan at ang mga hindi dapat gawin kaugnay nito.