Dagupan City – Hindi lamang serbisyo publiko ang binibigyang-pansin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan kundi maging ang kalusugan at kapakanan ng mga kawani ng Kapitolyo.

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng Philippine Civil Service, nagsagawa ng health and wellness activity para sa mga empleyado ng Kapitolyo, kung saan inilapit sa kanila ang iba’t ibang libreng serbisyong pangkalusugan.

Sa pangunguna ni Governor Ramon V. Guico III, katuwang ang Human Resource Management and Development Office o HRMDO sa pamamagitan ng Health and Wellness Club, nabigyan ang mga kawani ng pagkakataong magparehistro sa PhilHealth YAKAP at sumailalim sa medical at physical check-up, konsultasyon, laboratory tests, at tumanggap ng mga gamot at bitamina.

--Ads--

Nagsagawa rin ng bloodletting activity sa pangunguna ng Provincial Health Office at Pangasinan Provincial Hospital.

Layunin ng mga programa na mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga kawani bilang bahagi ng pagpapaigting ng maayos at episyenteng paghahatid ng serbisyo publiko sa mga Pangasinense.