Binangga diumano ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Magat Salamat ngayong Biyernes, Setyembre 18, sa may baybayin ng Palawan habang naghahatid ng tulong na krudo sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nagdulot ng pinsala sa starboard side o kanang bahagi ng barko ng BFAR ang nangyaring pagbangga.
Dahil sa insidente, nabaluktot, natanggal, at naalis sa puwesto ang mga railings, metal support, deck fixture, at iba pang kagamitan ng naturang barko.
Nangyari ang pagbangga isang araw matapos matagumpay na maiahon at maipalutang muli ang BRP Datu Magat Salamat mula sa pagkakasadsad nito sa Hasa-Hasa Shoal.
Nagsasagawa noon ang BRP Datu Magat Salamat ng probisyon ng fuel subsidy mission ng pamahalaan sa ilalim ng proyektong KBBM para sa mga lokal na mangingisda nang mangyari ang magkasunod na insidente.
Patuloy namang binabantayan ng mga awtoridad ang kalagayan ng mga tauhan at ng barko habang nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya para sa susunod na mga hakbang.










