Dagupan City – Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang programang Bantay Barangay ngayong Setyembre 17 sa Talogtog-Bateng Elementary School Covered Court upang mailapit sa mga residente ang iba’t ibang libreng serbisyo ng munisipyo.

Kabilang sa mga serbisyong hatid ng programa ang health education at promotion, medical consultation, libreng dental services o pagbunot ng ngipin, at anti-rabies vaccination para sa mga alagang hayop.

Mayroon ding libreng gupit, supplemental feeding sa ilalim ng Mobile Kusina ni Mayor Bona, at pamamahagi ng sariwang gulay at iba pang produkto sa pamamagitan ng community pantry.

--Ads--

Naglaan din ng mga information at help desk para sa legal consultation, business permits and licensing, employment at local recruitment, real property tax concerns, mobile birth registration, social welfare assistance, at disaster preparedness.

Lumahok din ang Mangaldan Police Station at Bureau of Fire Protection sa aktibidad.

Ang Bantay Barangay ay programa ng LGU Mangaldan na naglalayong dalhin mismo sa mga barangay ang mga serbisyo ng lokal na pamahalaan upang mas maraming residente ang makinabang.

Patuloy itong isinasagawa bilang bahagi ng paghahatid ng serbisyo publiko sa mga komunidad.