Naging sentro ng mahabang diskusyon sa ikatlong status conference ng international criminal court ang dami ng ebidensyang nakatakdang gamitin sa paglilitis sa crimes against humanity case ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Unang binigyang-pansin ni presiding judge Joanna Korner ang mahigit 15,000 exhibit items at pinaalalahanan ang prosecution na iwasan ang pagsasama ng mga paulit-ulit o may limitadong kaugnayan sa kaso.
Ipinaliwanag naman ng prosecution na malaking bahagi ng naturang bilang ay isang malawak na dataset mula sa Philippine National Police na naglalaman ng datos tungkol sa mga nasawi sa anti-drug campaign.
Ayon sa prosecution, nasa humigit-kumulang 3,420 ang mga nasawi na naitala ng pnp na sinabing napatay sa police operations sa buong bansa sa naturang panahon.
Samantala, nagreklamo ang defense counsel ni Duterte na si Peter Haynes sa dami ng dokumentong kailangan nilang suriin.
Bukod sa mahigit 15,000 non-witness exhibits, sinabi niyang mayroon pang higit 3,000 witness-related items, kasama ang mga dokumentong may nawawalang pahina, duplicate disclosures at maling pagkakakilanlan.
Hiniling ng defense na maaaring gumawa ng bagong case file at limitahan ang disclosure sa mas maliit na bilang ng mga dokumento.
Binigyan naman ng ICC chamber ang defense ng pitong araw para magsumite ng motion, habang hinimok ni Judge Korner ang magkabilang panig na pag-usapan muna ang mga reklamo at subukang maresolba ang isyu nang Hindi na kinakailangang makialam ang korte.










